Tuesday, July 1, 2014

Speech of President Benigno S Aquino III in Iloilo City

Talumpati
ng
Kagalang-galang Benigno S. Aquino III
Pangulo ng Pilipinas
Sa pagpapasinaya ng Iloilo River Plains Subdivision Phase 1
[Inihayag sa Bgy. Lanit, Distrito ng Jaro, Iloilo, noong ika-27 ng Hunyo 2014]
Senate President Frank Drilon; Secretary Mar Roxas; Secretary Babes Singson; NHA General Manager Chito Cruz;
Alam niyo si Chito kaklase ko ‘yan eh. Kung minsan ho tinatanong kung propesor ko—hindi ho. Kaklase ko ho siya. [Laughter] Tinanong natin kanina—ano ‘yong pinangako natin dito: daycare, basketball court, lahat ng community facilities, eskuwelahan. Simbahan, hindi tayo kasali doon dahil bawal ho galing sa gobyerno–kay Mrs. Drilon daw ho galing ang simbahan. [Applause] Ngayon, siyempre ho, humahaba ang pinagdaan namin ni Chito, hindi ho siya sanay na nasisira ang salita niya. Kaya tinanong ko, “Kailan ba matatapos ‘to?” Sabi niya, next year. Ibig sabihin ho no’n siguro mas maaga dahil alam ko si Chito idol niya si Babes Singson—’pag nangako ng six months, mga four months lang ibig-sabihin n’on. [Applause] Nandiyan pa naman si Jed Mabilog na butihing mayor nating magpapaalala. Siguro ho mayroon ka nang allowance doon sa next year. [Laughter and applause]
Ating butihing governor, Art Defensor, magpapaalala rin ‘yan [applause] na hindi sasama ang loob ng mga taga-Iloilo kung agahan niya, imbes na next year, gawin this year, puwede rin sa amin ‘yon.
Tutulungan pa ni Boboy, ang ating butihing vice governor—Boboy Tupas. [Applause] At ‘pag wala naman ho dito sa Iloilo si Chito, bahala na po ang ating butihing mga congressman: si Richard Garin, si Manong Cadio Goricetta, si Toto Defensor, at siyempre si Jun Tupas. Batiin ko rin po si Mr. Luis Oquiñena ng Gawad Kalinga, other local government officials present, fellow workers in government, honored guests, mga pinalangga kong kasimanwa:
Maayong hapon sa tanan. [Applause]
Masarap po ‘yong pinakain ni Senate President Franklin Drilon sa akin. Sabi ko, “‘Wag masyadong masarap dahil bumabagal ako ‘pag masarap eh.” [Laughter]
Alam niyo dapat batiin ko rin naman po si Mrs. Mila Drilon. Kung wala ho si Tita Mila, palagay ko hindi kasingliksi ang ating butihing Senate President. [Laughter and applause]
Alam niyo po, nang maimbitahan ako ni Senator Frank Drilon na bumisita sa inyo dito sa Iloilo, hindi na po ako nahirapang sumagot ng “oo.” Kilala naman po kasi natin si Senator Frank; may dahilan po kung bakit “Big Man sa Senado”. Heto nga po, at sa paglibot natin sa Iloilo, puro big time ding proyekto ang nabisita at nasaksihan natin [applause], na siguradong may big time ding benepisyo para sa probinsya, at sa mga kababayan natin dito sa Iloilo. [Applause] Itinour [tour] ho namin ‘yung kalsadang pagkahaba-habang nagkokonekta doon sa apat na bridge. Kaya pala ganoon kamahal. [Laughter] Sa amin ho kasi sa Luzon parang expressway na ang tawag doon eh. Ngayon pinoproblema ko, next week ho, baka makauwi ako sa amin sa Tarlac at nakatingin po ‘yung mga kababayan ko, sasabihin “Kailan tayo magkakaroon ng kalahati nung nasa Iloilo?”  Baka matagalan na naman ako makauwi sa amin. [Laughter and applause] Kaya naman po, tulad niyo po, excited na rin ako sa malalaki pang tagumpay na paparating sa Iloilo at sa mga darating pang taon.
Talaga naman pong siksik at sulit ang araw na ito, at lalo lang po itong nakukumpleto ngayong kaharap ko kayong mga minamahal nating Ilonggo. [Applause] Hindi pa rin po nagbabago: Wala sang pareho ang inyo kalulo, kapagsik kag kapisan nga mga Ilonggo. Madamu nga salamat sa inyo padayun nga pagsuporta sa matarung nga dalan padayun sa pag-uswag sang aton banwa.[Applause] Humahaba na ho, ano? [Laughter] Kaya pag-uwi ko sa Maynila sasabihin, “Sino kayang Ilongga ang nililigawan niya’t magaling na mag-Ilonggo?” [Laughter] Pero hindi po iyon ang pakay natin dito. Unahin muna ho ang bayan.
Sa simula pa lang po ng termino natin, nanawagan na tayo sa mga Pilipino: Sama-sama tayong humakbang sa tuwid na daan; ang landas na magdadala sa atin tungo sa katuparan ng kolektibo nating mithiin. Patunay po ang tagumpay natin sa araw na ito: may kaakibat na positibong bunga ang pagtutulungan at pag-aambagan; tunay na may pinatutunguhan ang pagmamalasakit sa kapwa at bayan.
Ngayong hapon, nagtitipon po tayo para pasinayaan itong mahigit limang ektaryang Iloilo River Plains Subdivision Phase 1. Dalawa po ang pinagmulan ng mahigit 169 milyong pisong pondo ng proyekto. Ang isandaang milyong piso po, nagmula sa ating 2011 Disbursement Acceleration Program, o DAP. Ang nalalabi namang mahigit 69 milyong piso, mula sa 2011 General Appropriations Act o GAA. Kongkretong patunay po ito sa pagiging epektibo ng ating sistema sa pagpopondo. Kitang-kita nga po: Kapag sa tapat ginamit ang pondong mula sa buwis na pinaghirapan ng taumbayan, may kaukulan itong benepisyo sa Pilipino, at hindi napupunta lang sa bulsa ng iilang mapanlamang. [Applause]
Uulitin ko lang po: Palagay ko, hindi makakalimutan ni Chito. Bata pa ho siya eh. [Laughter] Pero, Chito, bahay pa lang ‘yong nandito, ‘yong ating community activity centers, ‘yong mga basketball court, eskwelahan, day care, health center—pati ba barangay outposts sagot natin ‘yon? Okay. Kumbaga ho, na-deliver na ‘yong kalahati. May kalahati pa hong darating. At ‘pag pinakiusapan nating masinsinan, at samahan pa natin ng dasal, palagay ko itong aking kaklase magpo-produce sooner rather than later ng lahat ng ito. [Applause]
Ngayon, alam ko na kung bakit ‘di mo ako ginawang kumpare. Nahihirapan ka ‘pag nag-uusap tayo. Dumarami ang dalahin mo.
Handog po ng housing project na ito ang isanlibong bagong kabahayan na magsisilbing kanlungan para sa isanlibong maralitang pamilya dito sa Barangay Camalig at Barangay Lanit sa distrito ng Jaro. Anong pagbabago po ba ang hatid ng housing units na ito sa mga kababayan nating Ilonggo?
Kapanatagan po ang kaakibat ng mga bagong bahay na ito. Noon po, nakatira ang mga pamilya sa paligid ng Iloilo River. Dahil sa alanganin at delikadong lokasyong ito, para bang laging nasa bingit ng peligro at kawalang-katiyakan ang mga naninirahan dito. Kaunting ulan at kulog lang, kakabog ang dibdib mo dahil sa posibilidad ng malakas na ulan o bagyo, ng pagtaas ng tubig sa ilog at pag-apaw nito sa komunidad. Ngayon, mas ligtas na ang inyong lokasyon at mas matibay na ang inyong mga tahanan. Hindi na po kailangang mangamba. Umulan man o umaraw, mas panatag na ang buong pamilya. At ang totoo po: hindi lang mga residente ang makikinabang dito. Dahil malayo na rin sa kabahayan ang Iloilo River, mailalayo na rin ang ilog sa panganib na dulot ng basura at polusyon na siyang pumapatay sa ilog.
Samakatuwid, bahagi lang po ang proyektong ito sa isang malawakang plano para makamit ang buong potensyal ng Iloilo. Kasabay ng sunod-sunod na pagpapatayo ng mga imprastrukturang magpapaginhawa sa daloy ng transportasyon sa probinsya, nariyan din ang mga gusaling tiyak na magpapayabong sa inyong lokal na turismo’t ekonomiya.
Kaninang umaga nga lang po, nanggaling tayo sa Barangay Ungka sa distrito ng Jaro, para sa inagurasyon ng apat na tulay sa kahabaan ng Iloilo Circumferential Road o C-1. Pagkatapos, dumiretso tayo sa Iloilo Business Park sa distrito ng Mandurriao para sa inspeksyon at briefing ng inyong Iloilo Convention Center na ngayon pa lang pong tinatayo ay minumungkahi na ni Senate President doon na natin gawin ang APEC sa susunod na taon. Sabi ko, “Nauuna na ang imprastaktura sa inyo, wala pa akong naihahatid sa Tarlac eh.” [Laughter] Sa pareho pong distrito, sumunod naman nating pinasinayaan ang pinalawak na dalawang kilometrong bahagi ng Senator Benigno S. Aquino Jr. Avenue. Ang sabi ko nga po, mabuti at pinalalawak na natin agad ang mga kalsadang ito. Dahil po sa pag-asenso ng Iloilo at ng buong Panay Island, tiyak na yayabong ang komersyo—mapupuno ang daan ng mga sasakyan at ng mga tao. At siyempre, habang umaasenso kayo, ‘yung pressure o demand sa imprastruktura natin, lumalaki din. Ganyan nga po kabilis at kasigasig si Secretary Babes Singson: Bago pa may humirit na siksikan na sa kalsada at ma-traffic, heto’t nailatag na ng DPWH ang solusyon. All-set na po ang buong probinsya para higit pang umarangkada.
Doon po sa Bangsamoro, kasi alam naman niyo, baka narinig na niyo, sabi ko, ngayon ang pinoproblema natin ang hidwaan, patayan, at kaguluhan. Sana mapabilis na talaga ang pagkakaroon ng katahimikan at pagdating ng panahon ho–palagay ko naman, habang buhay ang tao hindi mawawalan ng problema. Sana ho, baka as early as five years from now, ‘pag napunta tayo sa Autonomous Region of Muslim Mindanao, sasabihin sa atin ng mga tao doon, sa bagay ako po’y retired na [sa panahon na iyon], pero sasabihin sa atin eh “Grabe naman itong asensong ito–matrapik, mapolusyon, ang kriminal dito white collar na!” Pero mas maganda na ho siguro iyon kaysa ‘yong puro barilan, kidnapan [kidnap], pambobomba.
Pambihira po talaga ang nakikita nating transpormasyon ng Iloilo. At malinaw na hindi ito nangyari sa isang iglap lang. Mula ito sa masusing pagpaplano, sa kolektibong pagsusumikap, sa masinop na paggugol ng kaban ng bayan, at sa paninindigang ito ay maisasakatuparan. Ang susi po nito: Mulat kayo sa inyong mga kalakasan. Batid ninyo ang biyayang kaakibat ng estratehikong lokasyon ng inyong probinsya, ng inyong likas na yaman, at ng kilalang sipag at talento ng mga Ilonggo—at kitang-kita naman po na sinasagad ninyo ang potensyal ng mga positibong katangiang ito.
Ang tagumpay naman pong ito, nagmumula sa pagbabayanihan ng lokal at pambansang pamahalaan—sa pangunguna nga po at sa gabay ng ating butihing Senate President Frank Drilon, kasama na po ang pribadong sektor at mga katuwang na organisasyon tulad ng Gawad Kalinga. Pero higit sa lahat, mula ito sa mga kababayan nating Ilonggo, na bukod sa tiwala at matibay na suporta, ay nakikiambag din sa katuparan ng ating mga inisyatiba. Kamo gihapon ang nagatinguha kag padayun nga patinguha sa pag bag o. Ara sa inyo ang buwas-damlag sang  Iloilo.  Siguro may 75 percent na ho ako doon. [Laughter]
Mula sa pagbabalik ng integridad sa ating mga institusyon, hanggang sa pag-aangat ng pambansang dangal sa paningin ng daigdig; mula sa mas malawak na saklaw ng serbisyong pangkalusugan, hanggang sa mas panatag na kinabukasan dahil sa mas maayos na sistemang pang-edukasyon—maliban po sa mga galamay ng dating administrasyon at sa ilang mga mapagsamantala, mayroon pa kayang tututol sa mga positibong pagbabagong tinatamasa na ng bansa? ‘Di hamak na mas marami na po ang mga Pilipinong tumataya at nakikihakbang sa tuwid na daan. Mas marami na tayong nasa panig ng katwiran at pananagutan. Walang duda: Kayo pa rin ang gumawa, at patuloy na gumagawa ng pagbabago. At kayo rin ang magpapatuloy ng mga nasimulan na natin. Ang hamon na lang po sa ating mga Boss sa mga darating na panahon: gamiting muli ang pagkakataong pumili ng mga tapat at karapat-dapat na mga pinuno. Ito ang magdidikta kung uurong ba tayo pabalik sa dating sistema, o susulong sa bansang mas maunlad at maginhawa.
Habang umaarangkada nga po ang kalakhang Iloilo sa kaunlaran, tinitiyak natin na sa ating mga Boss na Ilonggo ay walang maiiwan. Simula pa lang po ang mga tahanang ito sa panibagong bukas na haharapin ng mga pamilyang makikinabang sa proyektong ito. Ang hangad natin: mabigyang-lakas ang mas nangangailangan nating mga kababayan. Ang makapaghatid ng sapat na pagkakataon upang magamit ang kanilang kakayahan at husay, upang mapaunlad ang sarili, ang pamilya, at maging ang buong bansa.
Sa katapusan po, isa kita gihapon kapamilya, sa idalum sang isa ka panimalay, bilang mga Pilipino.Sa pagbabayanihan, tayo na po’t isulong ang Pilipinas tungo sa permanente at malawakang kaunlaran.
Bago po ako magpaalam, matindi pong pakiusap ‘yon. Noong una tayong nagkakilala, eh long hair pa ho tayo. [Laughter] Baka naman pag-alis ko ng 2016, bumalik tayo sa dati. Magre-repeat tayo ng lagim para bumalik sa liwanag. Huwag na ho. Dire-diretso na tayo sa liwanag, ‘di po ba?
Magandang araw po. Maraming salamat sa inyong lahat.

No comments:

Post a Comment